Pangalawang beses ko pa lang tumakbo sa isang karera sa labas ng Maynila. Ang una ay iyong sa "Greenfield City Run" noong nakaraang Abril 19 ng kasalukuyang taon.
Ngunit itong sa San Pablo ay kakaiba, sa kadahilanang wala akong kaalam-alam kung ano ang hitsura ng ruta.
Isang linggo bago ang karera, aking nakausap ang isang kaibigang gala. At dito ay nai-kwento ko na ako ay magkakarera sa San Pablo. At ayon sa aking kaibigang gala, kayang-kaya ko daw ito dahil patag.
Dumating ang araw ng karera, kami ay nagkita-kita sa McDo malapit sa gasolinahan sa kanto ng buendia at edsa bandang alas-dos ng madaling araw.
Kahit na masungit ang panahon ay aming tinahak ang SLEX patungong San Pablo.
Mag-a-alas singko ng umaga ng kami'y makarating sa Munisipyo ng San Pablo, kung saan naandoon ang "START/FINISH" ng karera.
Bahagya akong nagtaka dahil hindi patag ang kinaroroonan ng "START/FINISH" line. Isa itong gulod.
Ngunit ito'y aking ipinagkibit-balikat na lamang, dahil ang nasa aking isipan ay baka sa "START/FINISH" line lang ito at puro patag na ang kabuuan ng ruta.
Ang aking pagkibit-balikat sa umpisa ng karera, ay naulit ng ilang beses habang tinatakbo ko ang ruta para sa 21K. Dahil hindi lang isa, dalawa o tatlong gulod ang aking natakbuhan. Sa dami ng gulod ay hindi ko na binilang.
Natapos ko ang karera ng 2:26, ito ay ayon sa oras na nakita ko ng ako ay tumapak sa "FINISH" line.
Masakit man ang aking mga hita dahil sa dami ng gulod, ito naman ay ikinatuwa ko at ng aking mga kasamahan sa TAKBO.PH. Dahil lahat kami ay hindi inaakala na ganun katindi ang ruta na aming susuungin.
At lalo kaming natuwa ng dalawa sa aming kasamahan ay nakakuha ng ika-8 pwesto sa 21K (roselle) at 10K (carina).
At ang pinakamasarap dito ay ang piyesta pagkatapos ng giyera.
rodel: sorry na.. di ko naman sinadya matalsikan juice mo eh.
Pagdating ko sa bahay ay tinawagan ko ang aking kaibigang gala:
RR: pre, hindi naman patag un tinakbuhan namin sa San Pablo eh.
KG: ay, tatakbo ka ba? kala ko karera ng kung ano. suri, tao lang.
RR: ayos...
* salamat kay argo at mccoy sa mga litrato =)